Nang Bata Pa Kami | Page 7

Pura Medrano
na
nangungunot ang iyong noo.
Pagkatapos ng hapunan ay pinanood natin ang pagaagawan sa bitin at
matigas kong katatawa, sapagka't sa gitna ng balag ay may isang
malaking palayok na nakabitin at ang akala ng lahat ay matamis
lamang ang laman datapwa't nang malaglag at pagdumugan ng mga
bata'y naghalakhakan ang nagsipagbitin ng palayok na iyon at
makailang sandali'y naghiwa hiwalay ang nagsisipag-agawan: may
patakbong lumalayo, may nagkukusot ng katawan at may
naglululundag na animo'y nagsasayaw sa pagka't ang palayok palang
iyon, bago ibinitin, ay maghapon munang inilagay sa langgaman.
Matapos ang agawan ay umuwi tayo, datapwa't hindi ka nananhik sa
aming bahay pagka't malapit nang tumugtog ang ika sampu at
ibinulong mo na lamang sa akin na ipakita ko sa iyo ang larawan
pagbalik mo sa susunod na gabi.

IX
Hinggil sa aming pagparoon sa lalawigan ay naaalaala ko na aking
isinulat sa iyo, aywan lamang kung ang liham ko'y dumating sa iyong
mga kamay ó kinusa mo ang hindi pagtugon, sapagka't namuti ang mga
mata ko sa kaaantay ng iyong sagot.
--¡...!
--¿Hindi mo tinanggap? Marahil; datapwa't huwag mong sabihing hindi
mo naalaman kung saang lalawigan kami naparoon sapagka't ang iyong
tatay ay nakapaghatid pa sa amin hanggang sa sasakyan. Hindi
maaaring hindi nasabi sa iyo, oo; hinding hindi.
--¡...!
--Hindi raw! ... ¡Nakapagtataka! ¿Diyata't hindi man lamang nabanggit

ng tatay mo ang bayan naming pinaroonan? ¿Diyata't hindi nasabi sa
iyo, ni sa nanay mo?
Oh! Hindi nga marahil! Oo: sapagka't malapit, na ang akala ng iyong
ama'y ako lamang ang kinagigiliwan mo ng mga araw na yaon at
inalala niya marahil na masisira ang iyong pag-aaral ó susunod ka sa
amin kung ipabatid sa iyo ang pinaroonan naming lalawigan.
Nguni't siya'y namali, kung gayon ang kanyang paniwala, sapagka't
ipinatalastas man sa iyo ay hindi ka aalis ng Maynila, ni hindi masisira
ang iyong pag-aaral dahil sa naiwan dito ang iyong langit, ang
paraluman ng iyong gunita ... Huwag kang magkaila, huwag; mayroon
akong katunayan....
Sinabi mo na may nagbalita sa iyong tatay na palagi kang
nakakagalitan ng iyong mga guro sa dahilang malimit kang hindi
makalisyon at dahil sa balitang iyon ay ipinagbawal niya sa iyo ang
pagpapasiyal kaya't napaalis kami ng hindi mo naaalaman.
¿Totoo nga kayang ang paghihigpit ng iyong ama ang naging dahilan
ng hindi mo pagkadalaw sa akin? ¿Hindi kaya totoo ang nabalitaan
kong si Enchay na kababata natin, ang nagbawal sa iyo?
--¡...!
--Huwag kang magkaila at ipakikita ko sa iyo ang katunayan na si
Enchay nga; huwag kang sumumpa at baka ka mapahiya sa dakong
huli.
--¿...?
Kaylan ko natanggap ang balitang iyon at sino ang naghatid sa akin?
Sasabihin ko sa iyo:
Nang kayo'y may tatlong araw nang nakalilipat sa ibang bahay ay may
nagsadya sa amin na isang binatang balingkinitan ang katawan, mataas,
malago ang buhok, matangos ang ilong at matingkad pa sa
kayumangging kaligatan kulay at siyang nagsabi sa akin na si Enchay
daw at ikaw ay nagmamahalan. Ako'y nagalit mandin at waring pati
niya'y kinayamutan ko.
--¿...?
Aywan, hindi ko masabi kung nagalit nga ako at kung ako'y nagalit ay
hindi ko masasabi ang dahilan, sapagka't nang mga araw na yao'y
musmos pa ako at ang mga musmos ay madaling magalit at madali
namang matawa. Makailang araw ay muli akong nakabalita na kayo
nga ni Enchay ay nagkakaibigan at noon ako naniwala ng lubos

sapagka't may isang linggo nang hindi mo ako dinadalaw, gayon ma'y
hindi ako nagdamdam at sumulat pa ako sa iyo nang kami'y
naghahanda ng paglalakbay sa Batangan.
Ang sulat ko'y hindi mo sinagot hanggang kami'y lumulan sa sasakyan,
at iyo'y isang katunayan pa na talagang ako'y wala nang kabuluhan sa
iyo ng mga araw na iyon.
Ang lungkot ko'y gayon na lamang, at lalong lalo na nang kami'y
naglalayag, sapagka't nagunita kong sa lalawiga'y walang kasayahang
gaya sa Maynila. Dito'y panay na kaligayahan ang aking naranasan;
subali't doo'y panay na kalungkutan ang aking makakaulayaw sa araw
at gabi.
Ako nga'y malungkot at napatulo pa ang aking luha. ¿Nguni't naroroon
na'y ano pa ang aking gagawin!? ¡at mayroon man ay wala nang
mangyayari!
* * * * *
Dumating kami sa Batangan.
Mahusay ang Panahon, ang langit ay maaliwalas at malamig ang
amihan.
Noo'y linggo ng umaga at sa pantalan pa lamang ay sinalubong na kami
ng aming mga kamaganak na doon nananahanan at kami'y dinala sa
bahay ni G.X. na may dalawang anak na dalaga at kinagabiha'y
hinarana kami ng mga binatang tagaroon at gayon din sa nagsisunod na
gabi.
Ang lungkot kong nagsimula nang kami pa'y naglalayag ay naparam at
nasabi kong "masaya rin pala sa lalawigan".
Datapwa't hindi naglaon ang aking kasayahan. Kami'y lumipat sa bukid
dahil sa damdam ng aking ama at noon na na nagsimula ang pagkaulila
ko sa lahat ng bagay at ang pagdama ko ng tunay na lagim
Continue reading on your phone by scaning this QR Code

 / 14
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.