akong umuwi upang huwag
malubos ang sa iyo'y pagtakot nila. At nang tayo'y nasa pampang na'y
ibinalita sa atin ng isa ninyong alila na ang tatay mo'y nagagalit sa iyo.
Ikaw ay namutla pagka't ipinagbabawal sa iyo ang paliligo sa dagat ay
sumama ka pa sa amin.
Sa inanyo mong kalunuslunos ay nahabag ako at nawika ko sa sarili:
"Kaawaawa naman, nagtiis na ng takot sa gitna ng dagat ay
makakagalitan pa" At nang tayo'y papauwi na, ay sinabi ko sa iyong:
--Huwag ka nang maliligo sa dagat, sapagka't ipinagbabawal pala sa
iyo ng iyong tatay.
--Oo, kung hindi ka na rin maliligo--ang sagot mo.
--Aba--ang salo ko naman--¿maaari bang huwag akong maligo sa ako'y
may sakit at ang pagpaligo sa dagat ay nakagagaling sa akin?
--A, sa makatwid ay maliligo rin ako.
--Huwag, sundin mo ang iyong tatay.
--Oo, susundin ko siya kung sa inyong bahay ka maliligo.
--¿Bakit,--ayaw ka bang gumaling ako?
--¿Bakit ayaw?
--Gayon pala'y....
--Gagaling ka hindi man sa pagpaligo sa dagat. Pagkatapos ko ng
"segunda enseñanza" ay magaaral ako ng "medicina" at ako ang
magpapagaling sa iyo.
At samantala'y dumating tayo sa harap ng ating bahay. Ikaw ay
nagtuloy sa inyo at ako nama'y sa amin. Ikaw ay sinalubong ng galit ng
iyong tatay at ako nama'y ng maligayang ngiti ng minamahal kong ina.
VIII
Buwan ng Mayo.
Tayo'y malalaki na; ako'y mayroon nang labing tatlong taon at ikaw
nama'y labing apat.
Ang ating kilos ay ibang iba na sa dati: hindi na tayo nakikipaglaro ng
tubigan ni takip-silim; hindi na tayo nagbibiruan at para tayong
matatandang formal na formal kung mag-usap; datapwa't batang isip pa
rin tayo, kaya't ang ating napauusapan ay panay na kamusmusan.
Sa boong Maynila nang mga araw na yaon ay nagsalabat ang Santa
Cruz de Mayo at sa gawing kaliwa ng bahay na aming tinirhan ay may
isang lutrinang hari ng gulo sapagka't panay na mga batang lansangan
ang nagsisiilaw, nguni't nang mga huling gabi, sa dakong pagtatapos ay
lumalaki at humuhusay sapagka't pinakialaman na ng matatanda at
nagpalaluan pa ang mga "Hermano Mayor."
Nang huling araw ng pagdiriwang sa Santa Cruz de Mayong yaon ay
may namanhik sa aking tatay na ako'y maging Reina Elena. Ang tatay
ko'y pumayag at kinagabihan, ang aming bakuran ay napuno sa mga
batang manonood ng lutrina.
Nang hapon ng araw na yaon ay masayang masaya ang ating daan;
tatlong banda ng musika ang nagtutugtugan sa harap ng bahay ng
"Hermano Mayor" na hindi rin nalalayo sa ating tinitirhan.
Nang tumugtog ang ika anim; ang "Reina Sentenciada" ang "Haring
Constantino", ang mga _sagala't_ iba pa, ay isa isang sinundo ng
tatlong bandang musica at ako ang ipinagpahuli sa lahat. Nguni't ako'y
nagulat nang makita kong ikaw ang "Haring Constantino."
--Oy--ang bati ko sa iyo--¿bakit ikaw ang _Hari_?
--Mangyari'y ikaw ang _Raina_--ang sagot mo naman.
At tayo'y sandaling nagngitian, bago natin tinungo ang bahay ng
"Hermano Mayor" at di naglao'y inilabas ang prusisyon.
* * * * *
Kay daming taong nanonood. Lahat ay humahanga sa naggagandahang
mga sagala. Sa karamihin ng tao'y may ilang nanunumpit ng pabango
na parang nasisiyahang kung may sagalang tinatamaan sa mata.
Ikaw ay galit na galit nang mga sandaling iyon.
--Pag ikaw ang sinumpitang bulong mo sa akin--ay pagtatatagain ko
sila.
--Huwag--ang salo ko naman--huwag at baka ka nila
pagtulungtulungan.
--Pag may tangan akong sable'y magsampu man sila'y hindi ako
matatakot.
Bahagya mo pa lamang katatapos na mangusap ay siyang pagtama sa
aking mata nang hindi ko na naaalaala ngayon kung tubig ó pabango na
aking ikinapatili ng malakas at ako'y napapikit sa hapdi, Makailang
sandali'y dumilat ako at ang una kong nakita'y ikaw na anyong
mananaga.
--Manuel--ang sigaw ko--pabayaan mo sila.
Ako'y pinakinggan mo at nang humarap ka sa akin ay walang
pinag-iwan sa isang haring maawain ang tingin ko sa iyo at nang ako'y
lapitan mo ay binulungan kita ng gayari:
--Kamukhang-kamukha ka ng haring Constantino.
--¡Naku! nanunuya ka pa, ah.
--Sumama ka sa amin mamaya at ipakikila ko sa iyo ang larawang
ibinigay sa akin ng amain kong pari.
--Sasama ako.
--Iyong makikita.
--¿Baka hindi?
--Oo, ipakikita ko sa iyo.
At isang oras pa ang dumaan bago ipinasok ang prusisyon.
* * * * *
Nang gabing yaon ay hindi ko naipakita, sa iyo ang larawan, sapagka't
nang ipasok ang prusisyon ay dinala pa tayo sa bahay ng "Hermano
Mayor" at doon ko naalaman na ikaw pala ang humiling upang gawing
kang Haring Constantino.
--"Presentado, alsado"--ang biro ko sa iyo.
--Nagprisinta nga ako pagka't ikaw ang Elena at ibig kong mapanood
ng mga tao na tayo'y mga hari kahi't na sa Santa Cruz de Mayo lamang.
--Hambog--ang biro ko pa.
Hindi ka nakasagot sapagka't inanyayahan tayong maghapunan ng
"Hermano Mayor" at para pang sinadya na tayo'y pinagtapat ng upo,
kaya't habang tayo'y naghahapunan ay kung makailan kong maino

Continue reading on your phone by scaning this QR Code
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the
Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.